Pagkatapos mag-Amor Powers ni Jodi Sta. Maria sa remake ng teleseryeng Pangako Sa ‘Yo, ngayon lang sila nagkatrabahong muli ng orig na Amor Powers na si Eula Valdes sa teleseryeng Unbreak My Heart.
Marami silang eksena together. Kumusta ang dynamics nila?
"Alam mo, magkaiba kasi ang aming characters," mabining lahad ni Eula sa mediacon nitong Mayo 25, 2023, Huwebes, sa Vertis North Seda Hotel, Quezon City.
"Siya ay medyo subdued, ako ay medyo… alam mo, totoong tao na kung ano ang iniisip, yun ang sasabihin.
"Marami kaming encounters bilang anak ko si Joshua [Garcia] dito at nagka-affair sila, di ba?
"So, meron kaming mga confrontational scenes."
Siyempre pa, may mga pagbabago kay Jodi noong nagkatrabaho sila sa orig na Pangako Sa ‘Yo at Kampanerang Kuba kumpara sa ngayon…
"Noon, isa lang ang standby area namin. Ikakasal na lang siya pero tumatalun-talon pa sa kama, alam mo yun," pagbabalik-tanaw ni Eula.
"Ngayon, may anak na rin siya. Ang layo na rin, sobrang mature na rin siya ngayon, and makikita mo namang marami nang experiences din. And mas in-embrace niya yung motherhood. Yun ang nakikita ko sa kanya."
Napag-usapan nila ang kani-kanyang anak? Ang kanilang motherhood and all?
Tumango si Eula, "Oo, napapag-usapan din namin na ako, ako, may 18 years old na ako. Tapos si Thirdy, mag-e-18 na rin."
Ang Thirdy na tinutukoy ni Eula ay ang nag-iisang anak ni Jodi na si Panfilo "Thirdy" Lacson III, anak niya sa dating asawa na si Panfilo "Pampi" Lacson Jr.
Pagpapatuloy ni Eula, "And ano ba yung nararamdaman ng… kami yung kumbaga universe, center of their attention before, and now… Ha! Ha! Ha! Ha!
"Yun ang napapag-usapan namin, na parang… ang hirap! Kasi ako next year, yung panganay ko — kasi, nag-asawa na ang panganay ko pero andito pa, next year magma-migrate na siya sa US. Kasi, taga-Amerika ang napangasawa niya.
"And yung bunso ko naman ay 18 na, next year magka-college na siya sa Australia.
"Empty nest. Empty nest na yung bahay ko. And sabi ko kay Jodi, ‘Namnamin mo habang andiyan pa sa yo ang anak mo!’
"Kasi… hah! Hindi ko alam ang magiging buhay ko kapag wala na sila sa bahay ko, alam mo yun!
"Siguro ako yung magbibisita na… gagawin kong Makati ang Australia at ang Amerika para makasama ang mga anak ko.
"Yun ang mahirap pero hindi ko pa siya pinoproblema. Ine-enjoy ko muna. Instead of i-welcome ko yung, ‘Hah, ano nang mangyayari sa akin?!’ kapag wala na sila.
"Hindi ko sila mapipigilan sa buhay na gusto nilang mangyari, di ba? Hindi ko mapipigilan.
"Hindi ko sila masabihan na, ‘Paano ako? Mag-isa na ako?!’ Hindi ko yun sinabi sa kanila. ‘Follow your dreams.’
"And alam ko, napag-aral ko na sila. Sila na ang bahala sa buhay na gusto nila and susuportahan ko na lang siya."
Yung heart ba niya, ilang beses ding naging broken at na-unbreak? Or anong estado ngayon?
Natawa si Eula, "Ha! Ha! Ha! Ha! I think, mahal ako ng Diyos. Mahal ako ng Diyos dahil… gusto niya akong mapabuti.
"Iyon lang ang masasabi ko. At ako, anytime pipiliin ko ang pamilya ko. Yes.
"Darating din siguro, hindi ko hinahanap! Kasi, dadating lang yan, e. Hindi rin ako nawawalan ng pag-asa.
"I know, pag tumanda na ako… ahh, inaalagaan ko yung health ko. Ayokong maging pabigat sa mga anak ko at sa magiging mga apo ko.
"Gusto ko silang makita. Gusto silang malaro. Gusto kong maglakad kasama sila, di ba?
"Yun ang iniingatan ko ngayon, yung health ko."
Looking forward na siyang maging lola?!
"Yeah, pero ayaw pa nila, e. Nagpapraktis lang sila," napakunot-noong sambit ni Eula.
"Sabi ko, ‘Practice makes perfect.’ Pero praktis lang sila. Kasi, ayaw din nila na komo mag-asawa, mag-aanak na?
"Ang sarap naman din sa anak kong lalaki na hindi yun ang priority niya. Ang priority niya is… ahhh, i-follow yung pangarap niya.
"Kahit bata pa siya, alam mo, nung araw pa, sinasabi na niya, pangarap niya na nasa Amerika siya. So yun, nakuha niya, ang napangasawa niya ay taga-Amerika.
"Pilipina din. In fact, nag-workshop din sa Star Magic, and dun sila nagkakilala. Naging friend sila muna. And naging sila."
Twenty-eight (28) years old ang son ni Eula. Ang daughter niya na kae-18 pa lamang ay ga-graduate ng high school sa Hunyo.
Dagdag ni Eula, "Medyo nag-iisip ako ng mga gusto kong gawin na kaya ko pang gawin kapag wala na sila.
"Pero itong moment na ito, nanamnamin ko muna yung nandito pa sila."
Nagkatrabaho sina Eula at Jodi sa Kapamilya teleseryeng Pangako Sa ‘Yo (Nobyembre 2000-Setyembre 2002).
Gumanap doon si Eula bilang Amor Powers, at si Jodi bilang Lia na daughter nina Eduardo Buenavista (Tonton Gutierrez) at Madam Claudia (Jean Garcia).
Ang mga bida roon ay sina Kristine Hermosa at Jericho Rosales.
Read: Is the original Pangako Sa 'Yo still binge-worthy 20 years after?
Nakasama rin sina Eula, Jodi, at Jean sa Kapamilya fantaseryeng Kampanerang Kuba (Hunyo-Disyembre 2005) na pinagbidahan ni Anne Curtis.
Nagbida sina Jodi at Richard Yap sa morning drama series na Be Careful With My Heart (Hulyo 2012-Nobyembre 2014).
Read: Memorable moments from Be Careful With My Heart
Sa remake ng Pangako Sa ‘Yo (Mayo 2015-Pebrero 2016), si Jodi na ang gumanap na Amor Powers.
Tampok sina Jodi, Eula, at Richard sa powerhouse cast ng teleseryeng Unbreak My Heart — ang first-ever collaboration ng GMA at ABS-CBN, katuwang din ang Viu.
Nasa cast din nito sina Joshua Garcia, Gabbi Garcia, Sunshine Cruz, Laurice Guillen, Nikki Valdez, Romnick Sarmenta, Victor Neri, Will Ashley, Jeremiah Lisbo, Bianca de Vera, at Maey Bautista.
Tampok sa official soundtrack ng Unbreak My Heart ang mga awit nina Christian Bautista, Bey, at Moira de la Torre.
Limang linggong nag-shooting sa Switzerland at Italy ang teleserye, na idinirek nina Emmanuel Q. Palo at Dolly Dulu.
Sa Mayo 29, Lunes ng 9:35 p.m., ang pilot episode ng Unbreak My Heart sa GMA Telebabad, Pinoy Hits, at I Heart Movies. 11:25 p.m. ang timeslot nito sa GTV.
May streaming ito sa Viu, iWantTFC, at website ng GMA Network 48 hours before the TV broadcast.
Matutunghayan din ito sa GMA Pinoy TV at TFC.
2023-05-26T04:06:02Z dg43tfdfdgfd